Subject: 15 minutes of fame Dear Joey, Kumusta sir. Naalala mo pa si Mjolnir? Yung anak kong gustong pumasok sa McCann? May nakakatawang storing nangyari sa kanya. Nang nangailangan si Jol ng TIN ay ginawa siyang pingpong ball ng BIR. So isinulat niya yung BIR experience niya tapos nilagay niya sa internet. Biglang kumalat. Last time I heard ay nasa L.A. na. Anyway after 3 days sa internet ay nabasa ni BIR Commisioner Parayno yung story. Pinadalhan kaagad si Jol ng TIN card via mail. Ang bilis. Ang maganda pa nito ay nag-email kay Jol yesterday si Bart Guingona. Gusto raw nilang gawing play. Tuwang tuwa si Jol. Sabi ko nga ay ang agang dumating ng 15 minutes of fame niya. Anyway here's his original story: ADVENTURES SA KAWATANAN NG RENTAS INTERNAS ni Jol Ong Okay. So natanggap na ako nung November sa NCCA bilang researcher. Contract employee lang. 3 months. May Yearbook project kasi sila at kailangan ng extrang tao. Okay lang ang bayad, kaso may 10% withholding tax, at siyempre, dapat may Tax Identification Number ako. So tinanong ko yung boss ko- "Sir, di po ba yung employer ang maglalakad ng TIN ng employee?" Sagot ni bosing- "Di ka kasi regular employee kaya dapat ikaw ang maglakad ng TIN mo."Assurance nung assistant ni bosing- "Okay lang yan, one-time hassle lang yan." Ala ako problema. Sige, ako maglalakad ng TIN ko. Tutal, ano ba ang worst case scenario? Mahabang pila? Red Tape? Naknamsiomai, sanay naman ako sa UP eh- kuhaan ng classcards, pila sa registration, pila sa graduation, etc. Ako rin naman ang naglalakad ng registration ng beetle ko, at sa pagrerenew ko ng lisensya, so okay lang. Sabi ni bosing, dun daw ako mag-apply ng TIN sa BIR Main, sa may QC, para mas konti ang pila. May BIR din naman sa labas ng Intramuros, walking distance para sa mga sanay maglakad, pero mas konti raw ang tao sa Main. So, sige, nagpaalam ako, isang araw mag-aabsent ako para lakarin yun. Dun ako sa Main, dahil malapit lang sa amin, tapos plano ko, dadaanan ko yung ilang research materials sa UP. Solve! Pagdating ko sa BIR Main, nagulat nga ako dahil wala ngang katao-tao. Ni wala akong nakitang pila, maliban lang dun sa pila sa harap, dahil tsinecheck nung sekyu yung bag ng mga tao. Nung pagpasok ko, wala pala silang TIN forms. Wow. Naubusan ng TIN Forms ang BIR Main. Hanep. Tinanong ako nung lalaki sa desk kung para saan yung TIN application ko, sabi ko, para sa work. Tinanong kung saan ako nagtatrabaho, sabi ko sa Intramuros. "Dun ka mag-apply sa Intramuros." sabi nung lalaki. "Di po ba puwede talaga rito?" "Hinde, kasi sa Intramuros ka e, sila ang may hawak sa 'yo." Okay lang, although medyo naburat ako sa efficiency nila. Ibig kong sabihin, wow, Main BIR sila tapos una, naubusan sila ng TIN Forms, pangalawa, ewan, ang laki-laki ng saklaw nilang lugar, ang laki-laki ng mga building nila, tapos hindi nila ako ma-accomodate. Taragis, e malamang sa kanila rin naman mauuwi yung records ko kung sa BIR Davao o BIR Batanes ako mag-apply, dahil tutal, Main sila e, di ba? So ala na akong magawa, ala rin silang TIN Forms, so useless din kung magprotesta pa ako dun. So pumunta na lang akong peyups (U.P.) for official business,for the first time. Hehehe! Pagpasok ko sa work, sinubukan kong lakarin yung TIN application ko sa BIR sa labas ng Intramuros, yung malapit sa port area. Pag-akyat ko sa taas, hinanapan ako ng certificate of employment, at baranggay clearance. At dahil walang nagsabi sa akin na kailangan ko nun, lalo na yung lalaki sa BIR Main, wala akong bitbit na requirements. Pagbalik ko sa opisina, inexplain ko sa bosing namin yung problema. Nakatinginsa akin yung bosing ko na parang nawe-weirdohan din at di maintindihan yung paghihigpit ng BIR. Lintek, sabi nga nung isang workmate ko, the fact na nag-apply na ako for TIN, dine-declare ko na sa gobyerno na puwede na nilang kupitan, err, kaltasan ang maliit kong suweldo.Ako na nga ang magbibigay ng pera sa kanila, ako pa ang hinihigpitan. Tanginang gobyerno yan, kahit kailan talaga pahirap sa mga tao. Anyway, pag-aaralan pa raw nila kung mabibigyan nila ako ng certificate of employment. Yung baranggay clearance, ako na ang maglalakad. Plano kong bumalik ulit sa BIR Main. Hindi ko na lang sasabihin na sa Maynila ako nagtatrabaho. Yung ninang ko na may business, binigyan ako ng TIN Forms. Form 1901, take note. Para sa mga regular employees. May pipirmahan sa likod ang employer ko. After nito, dumiretso ako sa baranggay hall namin para sa clearance. Hiningan ako ng CV para sa file. Medyo naiirita na ako sa puntong ito. Isipin mo naman kung gaano ka-hassle ang buong prosesong ito, para saan? Para gawin ko ang aking role bilang mabuting mamamayan sa pagbabayad ng tamang buwis. Anyway, tinanong ako nung babae sa baranggay hall kung may TIN daw ako. Napapalo ako sa noo ko. Whoooooo!!! I LOVE THIS COUNTRY!!!!! Okay! So may clearance na ako! Humingi na ako ng certificate of employment sa bosing ko, at pinapapirmahan ko na siya sa likod ng Form 1901 ko. Kaso sabi niya, hindi raw puwede kasi wala ako sa roster of employees ng NCCA. Project employee lang ako e. So tinanong ko kung puwede ibalik yung mga kaltas sa akin, tutal ala naman akong TIN, at ayaw akong bigyan ng BIR, kaya putangina sila, di ko bibigay pera ko sa gobyerno! Ang problema, hindi raw puwede yun. Tuloy-tuloy ang kaltas sa suweldo ko. Kapag hindi raw kasi kinaltasan, sila raw ang malilintikan kapag nag-check ng expenses ang NCCA, makikitang hindi binawasan ang suweldo ko. So tinawag ngayon yung isang accountant ng NCCA para tulungan kami sa aming munting problema. Hindi rin maintindihan nung accountant kung bakit hinihigpitan ako ng BIR. Putsa, ako na nga ang magbibigay ng pera sa gobyerno, may gana pa silang magpakipot. Sabi nung accountant, yung kinaltas sa akin, mapupunta pa rin sa gobyerno, may TIN man ako o wala, at hindi sa bulsa ng kung sinoman sa NCCA. Well, dadaan muna sa gobyerno, sa BIR, bago mauwi sa bulsa ng isang congressman, pero technically, alang problema dahil pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ni satanas ang tuloy. Ang difference bale, kapag may TIN ako, dinedeclare ko lang na sa akin galing yung kakaning-ibon na baryang portion ng pang-tip ni Mr. Congressman sa pokpok niya sa Pegasus. Otherwise, mula kay Mr. Anonymous yung pang-tip niya. Advise sa akin, sabihin ko na lang na freelance writer ako. Tutal, may kaltas din naman daw kapag nag-freelance ka sa mga diyaryo. Tapos i-assert ko raw na ako na ang magbibigay ng pera sa kanilang mga letse sila kaya dapat bigyan pa nila ako ng libreng chocolait at biskwet out of gratitude mga hayop silang mga impakto sila. Okay. So bumalik ulit ako sa BIR Main. As usual, ang pila lang ay yung sa harap, kung saan nagtse-check yung sekyu ng bomba sa mga bag ng mga tao. Anyway, babae na yung nasa desk ngayon. Pinakita ko na yung baranggay clearance ko, at yung accomplished Form 1901 ko. Nung tinanong sa akin kung saan ako nagwowork, inexplain ko na freelance writer ako kaya wala akong regular employer, kaya walang nakapirma sa likod. Okay? Okay. Hinde. sabi nung babae, since hindi ako regular employee, ibang form dapat ang finill-up-an ko. At bigla siyang naglabas ng Form 1902 at binigay sa akin. Whew, kinabahan ako dun a. Yung Form 1902, sabi niya, ay para sa mga "mixed-income individuals," para sa mga taong hindi regular ang kita- professionals, businessmen, at sabi niya, freelance writers. Okay! Fill-up dito, fill-up dun, okay lang!!! Magkakaroon na ako sa wakas! Inaabot ko na sa babae yung Form 1902! Eto na... "Ummm, okay na? Ngayon, punta kayo sa West Ave....Branch namin." Nanlaki ang mata ko. Wow, nasira agad ang aking moment of triumph. "Err, hindi po ba puwede rito sa Main?" "Hinde, kasi sa Project 6 ka nakatira. West Ave. Branch namin ang may hawak sa inyo." Naramdaman ko, parang umiikot-ikot ang paligid ko Parang gumagaan ang ulo ko, nanglalambot at naghihina ang tuhod ko. Bigla kong naramdaman ang isang matinding pangangailangan na i-headbutt ang kausap kong babae sa desk. Sa halip na isang headbutt, nagtanong na lang ako. "Puwede po bang ibang tao na lang ang maglakad nito para sa akin?" "Oo, gawa ka ng authorization letter..." Ah! Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib! Papalakad ko na lang ito sa nanay ko. hehehe. Paglabas ko, marami pa ring tsinecheckan ng bomba sa bag sa harap. Ngayon alam ko na kung bakit. Ako rin gusto ko rin silang bombahin. Hindi ko pa rin mawari, nung araw na yun, kung ano pa talaga ang purpose ng BIR Main. Nakangsiomai, dun sa maliliit na branches nila, siksikan ang mga tao, milya-milya ang pila. Sa Main, ang lawak-lawak, pero di sila nag-a-accomodate ng applications! Sa kasamaang palad, hindi ako nakapagsulat ng authorization letter, at masyadong busy ang nanay ko para ilakad ang TIN ko. Anyway, sabi niya sa akin, may kaklase yung tita ko sa BIR West Ave. Kapag nagipit ako, hanapin ko na lang yun. Okey. Sige. Isa pa, may Form 1902 na ako, baranggay certificate, at yung excuse ng aking pagiging freelancer. Pila lang siguro ang problema, pero okay na. Putsa, dapat okay na. At nakarating din ako, isang araw, sa BIR West Ave. Sa second floor sila nag-oopisina sa isang building. Masikip yung elevator dahil sa dami ng tao. Narating ko na rin yung desk para sa TIN. Nung chineck nung babae dun yung papeles ko, hinanap nila yung pirma ng employer. "Ay. Wala po. Freelance Writer po ako e." Napatingin sa akin yung babae, tinitigan ako sa mata na wari'y tinitimbang ang mga salitang aking nasambit... "Ano yung Freelance Writer?" Napapalo ako ulit sa noo. "Ma'am, freelancer po ako. wala po akong regular na sahod. Binabayaran ako per article na sinusulat ko. Hindi po ako regular employee kaya wala akong certificate of employment." Nung makitang Form 1902 ang dala ko, sinabihan pa akong maling form ang bitbit ko, kaya inexplain ko pa na nanggaling na ako sa BIR Main, na Form 1901 ang dala ko dati pero sabi dun, mali raw ang 1901 para sa akin kaya binigyan ako ng 1902 dahil freelance writer ako, at inirefer ako sa branch nila. Nakatitig sa akin yung babae, ninamnam ang bawat salitang sinambit ko... "Ano yung Freelance Writer?" Okay! Kulang ka ba sa iodized salt? Ipinaliwanag ko ulit kung ano ang freelance writer, at nakatingin pa rin siya sa akin na tila nambubullshit lang ako. "Punta ka na lang sa Officer of the Day." "Umm. Saan po yun?" "Sa Seventh Floor." 1...2...3...4...5...6...7...8...9...10... ayan... kumakalma na ako... NAKANANGTOKWA!!!! ANG DAMING TAONG NAKAPILA SA ELEVATOR!!!! $#@*^%$%#!!!!!!!! Alang choice, tumakbo ako paakyat sa hagdanan mula 2nd patungong 7th floor. Hingal na hingal ako nang lapitan ko ang Ofiicer of the Day. "Ma'am, pinaakyat po ako mula sa second floor..." At ipinaliwanag ko yung nangyari, mula yung pagpunta ko sa BIR Main, hanggang sa pagpunta ko sa ibaba kanina. "Umm... at anong gusto mong gawin ko?" Gumuho muli ang mundo ko, pero buti na lang may upuan sa likod ko. Ipinaliwanag ko ulit. "Oo nga. Sa second floor ang application ng TIN. Bakit ka pinaakyat sa akin?" Halos nagmamaka-awa na ako. "Ma'am, ala po ba talaga kayong magagawa?" At inilahad ko ulit yung masasayang adventures ko sa BIR Main, sa BIR Port Area, sa BIR Main, at sa BIR nila. Awa ng diyos, may kinuhang chart yung ale, hinanap yung kategorya ko. Nung makuha yung code, sinulat niya sa isang espasyo sa 1902 ko, sabay tatak. "Ayan. Okay na yan." Napangiti ako. Sincere!!! Halos mapaihi na ako sa tuwa. Matatapos na!!! Kaso, putsa, ang daming taong naghihintay sa elevator. Walang choice, takbo ulit ako sa hagdanan pababa.Pagdating dun, lalaki na yung nakaupo sa desk. Pinakita ko ulit yung mga papeles ko. "Saan ang Certificate of Employment mo?" Nammannnnn!!!! Ano ba'to? Twilight Zone? Napasok ba ako sa isang loop? "Bosing, hindi po ako regular employee e. Freelance writer po ako." "Ano yun?" NOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOO!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! At ipinaliwanag ko ulit kung ano ang freelance writer, at ikinuwento ko yung episode kanina, at yung episode sa BIR Main, etc. "Ito kasing Form na ito, itong 1902, para sa mga may negosyo ito e." "E yan po ang binigay ng BIR Main sa akin, dahil hindi regular ang sahod ko!" "May mayor's permit ka ba?" Pikon na pikon na ako nun kaya hindi ako natawa, pero, talaga, grabe, comedy ito, men. Wow. "Hindi ko po kailangan ng mayor's permit! Writer lang po ako!" Ineksamin ulit nung lalaki yung papeles ko. "Ummm, propesyunal ka ba?" "Opo." "Anong propesyon mo?" "Writer po." "May lisesnsya ka ba?" Sa isip ko- "HU-WAAAAAAATTTTTT!!!????" Kung kumain ako ng bulalo kanina, na-stroke na ako ngayon. "HINDI NYO PO KAILANGAN NG LISENSYA PARA MAGING WRITER!!!" Sabay follow-up ko ng: "ANO BA KAYO? AKO NA MAGBABAYAD NG TAX SA INYO, PINAPAHIRAPAN NYO PA AKO!!!" Deadma si lalaki. Nakatingin pa rin sa papeles ko, iniisip kung ano gagawin. Kung pinapunta pa niya ako ulit sa Officer of the Day, i-he-headbutt ko na'to talaga. Buti na lang- "O sige, irereceive ko ang forms mo, pero ang alam ko dapat may kasamang papeles pa ito e. Pumila ka na lang dun..." *haaaaaaaaaaaaayyyyyyyyyyy.......* Kaso, sobrang haba ng pila, at sa takbo ng mga pangayayari ngayon, ayoko nang maghintay ng isa't kalahating oras para lang mag-replay ng kuwento ng kung ano ang freelance writer, at kung bakit hindi ako regular employee. Lumabas ako, pumunta ako sa corridor. Pikon na pikon. Tinawagan ko nanay ko, tinanong ko yung pangalan ng kaibigan dati ng tita ko sa highschool na nagtatrabaho ngayon dun. Okay, nakuha ko na yung pangalan. Balik ako dun, tinanong ko yung sekyu kung saan ang opisina nung babae. "Sa seventh floor po." Hindeeeeee!!!!! Pero sige, para lang magkaroon ng bunga ang paghihirap ko ngayong araw na ito- may exodus ng tao sa harap ng elevator, kaya ayun, inipon ko ang natitira kong lakas at hininga, at aking tinakbo muli ang second to seventh floor sa hagdanan. Pagdating sa taas, halos bumagsak sa lupa ang baga ko. Nagtanong-tanong ako ulit kung saan ang opisina nung bes-pren ng tita ko, hanggang sa mapunta na ako sa gitna ng opisina nila. Sa wakas- "Ay! Diyan yung opisina nun, pasok ka diyan." Yehey!!! "Ha? Ay! On-leave siya ngayon. Babalik siya sa January 2." NOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOO!!!!!!!!!!!!!!!!!!! Hindi pa rin nauubos ang mga tao sa elevator, hindi ko maalala kung paano ko tinakbo pababa ang first floor. Pikon na pikon ako, grabe. Pag-uwi, nakaubos yata ako ng isang pitsel ng gulaman. Hinintay kong humupa ang tila-nuclear holocaust ng galit sa loob ng dibdib ko. Punyetang gobyerno ito!!! Letse!!! Hindi mahuli-huli yung mga tax evaders, hindi mabigyan-bigyan ng TIN yung mga nagmamagandang loob na magbayad ng buwis!!! Tangina, no wonder may lumolobo tayong mga deficit!!! Syet!!! Ano nangyari sa iodized salt campaign ni Ramos!!! Nung gabi, tinawagan ko si TJ, yung kasama ko sa trabaho, at kinuwento ko lahat. Lagi ko kasing kinukuwento ang bawat installment ng aking BIR adventures, at tulad ng isang epiko, grabe ang climax nung hapon na yun. Syet. Hayop sa climax. Tinatawanan ko na lang, pero nung hapon na yun kaya ko sigurong mangagat ng leeg. Tawa rin nang tawa si TJ, at ngayon, kuwento niya, tawa rin nang tawa yung mga pinagkuwentuhan niya. Pati yung mga tao sa tambayan namin, nung kinuwento ko, di rin makahinga sa katatawa. Langya, baka maging urban legend pa ang buhay ko, in which case, sana puwede kong i-video lahat, at lalagyan ko ng sumpa- ala "The Ring", tapos papadalhan ko ng kopya yung mga tao sa BIR. Naisip-isip ko na lang ngayon, paano nga kung kailangan mo ng lisensya para magsulat. Isang physical manifestation ng concept ng poetic license? haha! Kung sa driver's license, may mga restrictions tulad ng "Vehicle up to 4500 KGS GVW" o kaya "Automatic clutch above 4500 KGS GVW", etc. paano kaya yung sa "Poetic License" o "Writing License?" I. Restrictions 1. Haiku and short essays only 2. Essays up to 500 words and Freeverse up to 5 stanzas 3. Essays above 500 words and Freeverse above 5 stanzas 4. Critical Essays, Short Fiction, Poetry ...etc. Pero nag-digress na naman ako. Isang hapon, pagkatapos nung BIR episode, dumaan ako sa tambayan namin sa UP. Nung makita ako ng mga kasama ko- "Jol! Pumayat ka a! Grabe!" hehehe. Naalala ko yung jogging-jogging ko sa building, at yung stress, at napangiti ako. Isang mapait at matamis na ngiti. At kinuwento ko kung bakit. ps: Hanggang ngayon, wala pa akong TIN. Kuwento ni TJ, si Santi Bose raw, namatay nang walang TIN. Nakakatakot. ***** Lumabas ang kuwentong ito sa peyups.com nung Jan. |